Thursday, February 14, 2013

DOST at IPO, isinusulong ang proteksyon sa Intellectual Property

DOST Sec. Montejo leads awards
recognizing Filipino innovators.
Photo courtesty of DOST.

Luisa S. Lumioan
S&T Media Service, STII

“Protect your intellectual property right from the start,” payo ni Carmen Peralta, director ng Intellectual Property Office Philippines (IPOPhil) sa mga kabataang technopreneurs sa ginanap na Investors and Start-ups Forum na inilunsad ng Department of Science and Technology-Technology Resource Center (DOST-TRC) sa UP-Ayala Technohub, Lungsod ng Quezon.

Ayon kay Dir. Peralta, ang malakas na intellectual property (IP) portfolio ay makadaragdag sa halaga ng isang start-up company. Tinuran niya ang The Economist na nagsabi na 75% ng halaga ng publicly-traded na kumpanya sa Estados Unidos ay nakabatay sa IP nito.
Ang IP ay tumutukoy sa anumang likha o produkto ng pag-iisip kabilang ang mga imbensyon, disenyo, praktikal na aplikasyon ng mga ideya, trademark, kabilang na ang mga gawang literatura at sining.
Dagdag pa ni Dir. Peralta, na sinusunod ng IPOPhil ang prinsipyo na “first-to-file” ng mga patent application na ang ibig sabihin ay kung sinuman ang maunang makapag-file ng isang teknolohiya o inobasyon ay siyang may karapatang magmay-ari ng IP. Dahil dito, payo ng IPOPhil na pag-aralang mabuti ng mga technology-based start-up company ang kanilang estratehiya sa IP management.  Makatutulong din diumano ang pagkuha ng payo mula sa mga IP professional.
Ang IP protection ay makakamit sa pamamagitan ng patent, utility model, industrial design, trademark at copyright. Ito ay karapatang ibinibigay sa mga nagmamay-ari nito na kung saan ang una ay makikinabang mula sa paggamit, paggawa, o pagbebenta ng produkto o likha sa loob ng takdang panahon.
Ang isang tao o institusyon na mayroong produkto, proseso o bagong proseso na nagpapahusay ng produkto, resulta ng di-pangkaraniwang pamamaraan (inventive), at kapakinabangan sa isang bagay (useful) ay maaaring mag-apply ng patent upang makakuha ng 20 taong eksklusibong pagmamay-ari para dito.  Ito ay nangangahulugan na ang nagmamay-ari ng nasabing produkto o teknolohiya ay maykarapatang maningil ng royalty o magbigay ng license sa mga indibidwal o kumpanyang nagnanais na gamitin ang mga nasabing produkto, inobasyon, imbensyon, trademark, maging ang makabagong proseso.
Samantala, pitong taong proteksyon ang ibinibigay ng batas para sa mga utility model o mga inobasyong hindi naman maituturing na inventive.
Sa kabilang dako, ang mga industrial design naman ay tumutukoy sa mga estetikong katangian ng isang produkto at binibigyan ng limang taong proteksyon at maaring i-renew ng dalawang beses sa ilalim ng batas.
Ang copyright ay nagbibigay-
proteksyon sa may akda.
Larawang bigay ng DOST. 
Ang copyright naman ay awtomatikong naibibigay sa may-akda o maylikha sa oras ng publikasyon, recording o iba pang porma ng ekspresyon.  Ito ay may bisa habang nabubuhay ang may likha at  dagdag na 50 taon mula sa taon ng pagkamatay nito.
Kabilang sa nasabing pagpupulong ang Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) na naglalayong palakasin ang technology business incubator (TBI) sa bansa. 
Ang TBI ay tumutulong sa mga start-up company sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang pasilidad tulad ng office space. Ito ay nagbibigay din ng tulong administratibo at teknikal, maging ang mga gabay sa pagnenegosyo, at network sa mga potensiyal na kliyente at investor.
Ilang TBI na rin sa bansa ang naitayo sa tulong ng DOST kabilang na ang Open-Technology Business Incubator na direktang pinamamahalaan ng DOST-TRC. ###