Bagama't di pa gaanong napag-uusapan, may panibago na namang kinakaharap ang UPLB Community. Ito ay ang pagkawala ng isang batang babae na nagngangalang Marry Grace.
Si Marry Grace ay maglalabing dalawang taon na at kasalukuyang nag-aaral ng Grade 3 sa Tuntungin-Putho Elementary School. Siya ay nakatira sa Gawad Kalinga Village, Tuntungin-Putho. Siya ay pang anim sa labindalawang magkakapatid.
Ang kanyang ama ay isang photographer ngunit naghahanapbuhay din bilang tindero sa Grove, bilang hindi naman palaging may trabaho para sa kanya.
Kinakailangan niyang buhayin ang kanyang pamilya samantalang ang kanyang ina ay isang dakilang maybahay. Si Marry Grace ay nagtitinda ng mani sa grove at madalas ay naglalaro sa LB Square kaya't hindi nakapagtataka kung namumukhaan sya ng mga mag-aaral ng UPLB.
Noong ikalawa ng Marso ay hindi na nakauwi sa kanilang tahanan si Marry Grace. Base sa panayam sa kanyang ama at nakatatandang kapatid, inutusan si Marry Grace ng kanyang ina na puntahan ang kanyang ama na nagtitinda sa grove. Di umano'y pinakukuha sya ng perang panggastos ng kanilang pamilya.
Ayon din sa panayam, si Marry Grace ay isinakay ng isa pang kapatid, na kasama niyang nagtitinda ng mani sa jeep bandang alas diyes ng gabi upang umuwi na sa bahay nila sa Putho.
Marry Grace Esguerra, 11yo, GK Village, Tuntungin-Putho | Nawawala mula pa noong Biernes (March 1, 2013). |
Ang insidenteng ito ay hindi na bago sa Los Baños. Bagama't umaasa pa rin ang lahat na ito ay kaiba sa mga kaso nina Given Grace, Rochel Geronda at Ray Penaranda at nasa ligtas na kalagyan siya ngayon. Ngunit di naman lingid sa atin ang talamak na karahasan laban sa mga kababaihan. Laganap ang domestic violence, pang-aapi at pananamantala sa kababaihan at kabataan--mga krimeng nangangailangan ng agarang aksyon at pagreresolba.
Muli sa bahagi ng pamilya ni Marry Grace, humihingi kami ng tulong sa paghahanap sa kanya. Nananawagan din po kami na mas mas paigtingin ang seguridad sa loob at labas ng campus.
Upang mas mapalawig ang patungkol dito ay magsasalita ang pamilya ni Marry Grace sa isang programa ng GABRIELA Youth-UPLB upang ipagdiwang ang Buwan Ng Mga Kababaihan. Ito ay gaganapin sa ika-anim ng Marso (MIERKULES), 5pm sa C-park.
Bilang mga Iskolar Ng Bayan sa UPLB, inaanyayahan ang lahat na makilahok at makialam. Ang UPLB ay itinuturing na nating pangalawang tahanan, pahalagahan at pangalagaan natin ang mga komunidad pumapalibot dito. Ang isyung ito ay hindi hiwalay sa mga hinaharap nating nararanasan nating represyon sa loob ng pamantasan.
Gabriela Youth-University of the Philippines Los Baños