Wednesday, October 17, 2012

Press Statement on AKBAYAN

Image from Karapatan-Southern Tagalog
Press Statement
Oktubre 17, 2012
 
MARAPAT NA IDISKWALIPIKA ANG AKBAYAN
 
Naninindigan ang militanteng kilusang magbubukid sa rehiyon ng Timog Katagalugan na tama at lehitimo ang mainit na panawagang huwag pahintulutan ang grupong Akbayan na tumakbo sa Partylist election.
Sa pagdami ng maralita sa kanayunan na nabuklod at naorganisa sa militanteng tradisyon ng pakikibaka sa lupa, desperado pa rin ang estado sa pagsuporta at paghahasik sa mapanlinlang na kaisipan sa pamamagitan ng mga nagpapanggap na samahang magsasaka (pseudo-farmer's organization).
Kabungguang-balikat ng AKBAYAN ang mga grupong tulad ng UNORKA, PAKISAMA, PARRDS, PARAGOS, PAMMBUKID-KA, KASAKA-TK, KMBP, CARET, AR NOW, CENTRO-SAKA at PEACE Foundation (Araro PL) sa mga nagkukunwaring maka-magsasakang organisasyon.
Ang mga samahang ito ang nagsisilbing espesyal na ahente sa psywar ng gobyerno at AFP para ilihis ang landas ng masang magsasaka sa mapagpalayang adhikain nito at panatilihin ang paghaharing pyudal at mala-pyudal sa kanayunan.
Nakapagtala ng may dalawampung (20) maliliit na grupo ng repormista at nagpapanggap na organisasyong magbubukid sa rehiyon. Nagtatangka silang ibulid sa repormismo ang uring magsasaka – wasakin ang base ng militanteng kilusan at pagkakaisa ng maralita sa kanayunan upang patuloy na makapagsamantala at makapaghari ang mga panginoong maylupa at mga kasabwat nito.
Mahaba ang rekord ng panlilinlang ng Akbayan at mga kasapakat nitong pseudo-farmer's organization sa masang magsasaka sa bansa.
Matutuyuan ng tubig ang mga irigasyon sa kanayunan, pero hindi ang maruming listahan ng panlilinlang, panggagantso at panngungulimbat ng Akbayan at mga kagrupo nito sa kakapurit na ngang kabuhayan ng magsasaka.
Ang mga nalilinlang na magsasaka ang pangunahing balon ng pinagpapasasaang pondo at pekeng-kapangyarihan ng Akbayan!

Image from Karapatan-Southern Tagalog

Ahente ng Lupa
Laganap ang bentahan ng lupa at pagpapasuko sa karapatan ng mga magsasaka sa Southern Tagalog na pinangunahan ng Akbayan. Kunwang oorganisahin ang magsasaka, ibubuyo sa komprontasyon sa Department of Agrarian Reform para diumano'y ipatupad ang peke ring reporma sa lupa na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Isusuong sa gasgasang rali at mahahabang kampuhan sa harapan ng DAR. Paglao'y sasabihing papasok na ang kanilang laban sa win-win solution sa pamamagitan ng pagtanggap ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na lingid sa kaalaman ng mga magsasaka ay nauna nang nai-deal ng mga hinayupak na lider at organisador ng Akbayan sa mga panginoong maylupa at real estate developer!
Muling eeksena ang DAR sa iskemang bigay-bawi ng CLOA sa mga simpleng dahilan na non-agricultural ang lupa, not suited for agriculture, zoning ordinance at kung anu-ano pang palusot na buong-tapang-ang-hiyang tatanggapin ng Akbayan para isubo sa mga magsasaka na hayaan na lamang bawiin ang CLOA tutal ay babayaran naman sila ng damage compensation.
Ang matututunan ng kaawa-awang si Pedro Pilapil, tanggapin na ang CLOA dahil naibebenta naman ito!
Pagkatapos ng bayaran, paldo-ang-bulsa ng mga lider at organisador ng Akbayan sa laki ng komisyong nakuha nila sa pag-aahente ng lupa. Hindi ba't ang kuwento nga noong kasagsagan ng bentahan ng lupa sa Cavite ay saku-sako kung magdala ng pera ang mga lider ng Unorka sa mga baryo ng magsasaka? Ano't sila ang may dala ng pera?!
Umiiral ang ganitong kasibaan ng Akbayan at mga kasapakat niyang grupo sa maraming lugar ng rehiyon. Alam-na-alam ito ng mga magsasaka sa Silang, Cavite at Hacienda Yulo sa Canlubang, Calamba City.

Rekruter ng CAFGU
Image from Karapatan-Southern Tagalog
Pangunahing ahente ng gobyerno, mga panginoong maylupa at maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang recruiter ng CAFGU (Civillian Armed Forces Geographical Unit) ang mga pekeng samahang magbubukid ng Akbayan sa Timog Katagalugan. Partikular sa lalawigan ng Quezon, ang gupong KMPB o Kilusang Magbubukid sa Bondoc Peninsula ay aktibong nakikipagsabwatan sa AFP. May mga myembro ang KMBP na myembro rin ng CAFGU. Sila ang makinarya ng AFP sa South Quezon at Bondoc Peninsula sa paghahasik ng itim na propaganda laban sa progresibo at militanteng samahang magbubukid sa lokalidad.
Hindi nila ito maipagkakaila dahil halos magkakatulad ang inilalabas na pahayag ng KMBP at mga bigla na lamang sumusulpot na kung anu-anong pangalan ng samahan na ni hindi mo pa narinig kailanman. Kung hindi ba naman lansakan ang paghimod-sa-pwet ng AFP, maging ang mga plakard at balatenggang ginagamit ay magkakatulad.
Batid ng militanteng kilusang magbubukid sa rehiyon na wala sa kapasidad ang AFP na magsulat at mag-isip ng mga islogang inilalabas ng mga pekeng-samahang-magbubukid. Kung gayon pamalit sa mga bobong writer ng AFP ang ubod-ng-husay na mga manunulat ng Akbayan!
Hindi maipagkakaila ng AFP at mga buhong na lider ng Akbayan na nagsisilbi sila sa interes ng isa't-isa.

Kampanyang "Resign Secretary Virgilio delos Reyes"
Umabot sa engrandeng pakana ang Akbayan noong upatan nito ang DAR Employee's Association (DAREA) na manawagan sa pagre-resign ni Sec. Delos Reyes. Nangaglirang ngayon sa harapan ng DAR ang mga panawagang "Extend CARP! Sec. Delos Reyes, Resign!"
Ang totoo -- gusto lamang maipwesto ng Akbayan ang manok nilang si Arlene "Kaka" Bag-ao bilang Kalihim ng DAR!
Ipagtataka pa ba naman ito? Gayong minsan din itong pinangarap ni Riza Hontiveroz-Baraquel.
Kaya naman pinapalakpakan ng hasyenderong si Noynoy Aquino ang maniobrang ito dahil tiyak na kapag Akbayan ang umupo sa DAR ay tiyak rin na pagpipistahan nila ang nabubulok-na-bangkay ng CARP sa pamamagitan ng CARP Extension with Reforms na sila rin ang may pakana.
Ang dulo -- hindi maipapamahagi ang Hacienda Luisita!

Coco Levy Funds
At dahil nasa gobyerno na ang karamihan sa mga lider at kinatawan ng Akbayan, swabeng-swabe nilang pinadaloy ang maanomalyang coco levy funds papunta sa National Anti-Poverty Commisiion (NAPC) na pinamumunuan ngayon ng sumemplang ang career bilang political analyst na si Joel Rocamora.
Tumataginting na P56.5 bilyon ang inilipat sa opisina ng NAPC! Gagamitin ito para sa tinatawag na “Poverty Reduction Roadmap of the Coconut Industry.”
Ang NAPC ang nangunguna sa Presidential Task Force on the Coco Levy Fund’s poverty reduction roadmap kabilang ang programa ng gobyerno sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na “Pantawid Program” at sa Department of Agrarian Reform na Land Tenure Improvement kung saan ay pinpondahan na mula sa general fund ng pamahalaan.
Talagang walang-kahihiyan! Mawisikan lamang ng pabango ang umaalingasaw na hasyenderong gobyerno ay nanakawin pati ang pera ng mga magsasaka sa niyugan.

Mga Lasenggo
Hindi mapapalagpas ng militanteng kilusang magbubukid ang kawalanghiyaan ng Akbayan sa pamamagitan ng grupo nitong Task Force Mapalad (TFM) nang pagmartsahin nila ng 1,200 kilometro ang mga magsasaka sa Negros noong 2007.
Niloko na nga nila ang mga magsasaka matapos nilang kumita-ng-limpak mula sa pondong nakulimbat nila sa mga nagagantso nilang funding agency, mga taong simbahan at iba pang organisasyon nag-akalang tapat-silang-naglilingkod sa magbubukid, ay nakuha pa ng mga lider at organisador ng Akbayan na harap-harapang bastusin ang mga magsasaka.
Noong dumating sa National Capital Region ang delegasyon ng magsasakang nagmartsa at pansamantala silang humimpil sa Caritas Manila ay pudpod ang tsinelas at makapal na ang kalyo ng mga magsasaka. Habang ang mga tarantadong lider at organisador ng Akbayan at TFM ay nasaan?
Naroon sa isang hotel, nagpapalamig sa air-conditioned na kwarto at nag-iinuman!
Kwentong-kutsero? Hindi! Kayang patunayan ng militanteng kilusang magbubukid sa Timog Katagalugan ang istoryang ito. Paulit-ulit itong nagaganap sa mahahabang kampuhan ng Akbayan at mga pseudo-farmer's organization na nabanggit sa unahan na ginagawa nila sa harapan ng DAR.
Pansinin na matapos ang ilang araw, may maiiiwang ilang magsasaka sa Kampuhan habang hindi mahagilap ang kanilang mga lider at organisador.
Bumisita tayo ngayon sa katabing kampuhan ng Kasama-TK sa harapan ng DAR. Mag-alam tayo sa kalagayan ng mga magsasakang isinubo-sa-alanganin ng Akbayan. Tayo ang magpatunay sa kahihiyang ibinibigay nila sa inaaping magsasaka ng bansa!

Tapos na ang debate
Wala nang pagtatalunan kung dahil lamang ba sa magkaibang ideyolohiya, paniniwala at prinsipyo kaya may nagaganap na gyera sa pagitan ng Akbayan at mga pambansa demokratikong organisayon sa bansa. Malaon nang tapos ang debate tungkol riyan.

Hindi dapat maliitin ng sambayanang Pilipino sa isang simpleng bangayang-kalye ang nagaganap na tunggaliang ito.
Ang usapin ngayon ay nakatuntong sa tunay na kinakatawan ng Akbayan. Nasa gobyerno sila. Ang sinumang nagtataguyod sa programa at patakaran ng gobyerno, kailanman ay hindi Kaliwa. Reaksyunaryo ang Akbayan.
At ang atakeng ibinibigay ng mga pambansa demokratikong kilusan sa Akbayan ay lumampas na sa ideyolohikal na usapin. Kinatawan sila ng hasyenderong Pangulo na kinasusuklaman ng uring magsasaka at iba pang inaaping sektor sa lipunang Pilipino.#